Thursday, October 06, 2005

Mangyari Lamang

by Bobby Guevarra

Mangyari lamang ay tumayo ang mga nagmamahal
nang makita ng lahat ang mukha ng pag-ibig
Ipamalas ang tamis ng malalim na pagkakaunawaan sa
mga malabo ang paningin
Mangyari lamang ay tumayo rin ang mga nagmahal
at nasawi
Nang makita ng lahat ang mga sugat ng isang bayani
Ipadama ang pait ng kabiguan habang ipinagbubunyi ang
walang katulad na kagitingan ng isang nagtaya

Mangyari lamang ay tumayo ang mga nangangambang
magmahal
nang makita ng lahat ang kilos ng isang bata
Ipamalas ang katapatan ng damdamin
na pilit ikukubli ng pusong lumaki sa mga engkanto
at diwata
Mangyari lamang ay tumayo ang mga nagmahal, minahal at
iniwan ngunit handa pa ring magmahal
nang makita ng lahat ang yaman ng karanasan
Ipamalas ang katotohanang nasaksihan
nang maging makahulugan ang mga paghagulgol sa dilim

At sa mga nanatiling nakaupo
mangyari lamang ay dahan-dahang umalis papalabas
sa nakangangang pinto
Umuwi na kayo at sumbatan ang mga magulang na
nagpalaki ng isang halimaw

At sa lahat ng naiwang nakatayo
mangyari lamang ay hagkan ang isa't isa at yakapin ang
mga sugatan
Mabuhay tayong lahat na nagsisikap na makabalik sa ating pinagmulan
Manatiling masaya at higit sa lahat magpatuloy sa
pagmamahal

1 comment:

OtsoWalo said...

Hindi po si Bobby Guevarra ang nagsulat niyan. Si Rico Abelardo po. Binabasa lang po ni Bobby Guev yang tulang yan sa kanyang klase sa teolohiya.